Noong Agosto 4, 2009, dumalo ako sa “necrological service” para kay Pangulong Cory. Nakiisa sa maraming mga Pilipino sa pakikiramay sa kanyang pamilya sa pagpanaw niya. Noong huling dumalaw si Pangulong Cory sa Naga City para ikampanya si Cong. Noynoy para sa Senado, puno ang aming pagmamalaki sa sabay niyang pag-endorso sa amin sa lokal na halalan. Alam namin ang sukat ni Pangulong Cory. Hindi lang popularidad, hindi lang kakayahang manalo kung hindi higit sa lahat ang matapat at matuwid na paglilingkod sa mamamayan. Ito ang mga katangian ipinamalas niya ng siya ay inuloklok natin bilang Pangulo. Ito pa rin ang mga katangian at pananaw na kanyang ipinaglaban sa pangkasalukuyang panahon.
Tulad namin marami ang naghihinayang at nagdadalamhati. Nalulungkot dahil wala na ang gabay natin sa pakikibaka para maiwasto ang pulitika sa ating bansa. Bakit nga naman ngayon na muling nababalot sa krisis ang Pilipinas lumisan na siya? Hindi pa tapos ang laban Ninoy. Hindi pa tapos ang laban ni Cory. Sa ating pagdalamhati, maaring nalulungkot tayo para sa kanya o para sa ating sarili. Marami sa ating kababayan ang nagnanais na makamtan ang pagbabago subali’t ayaw niyang makilahok. Sana sa pagpanaw ni Pangulong Cory, maantig ang ating isip at damdamin at tatanggapin natin ang hamon na sinimulan ni Ninoy, pinagpatuloy ni Cory at magiging daan para sa tagumpay ng bawat mamamayang Pilipino. Hindi lamang demokrasya bilang isang paraan ng pamamahala, kung hindi higit sa lahat, demokrasya na mag-aangat ng antas ng buhay ng ordinaryong Pilipino.
Sabi nila nagbubunyi raw si Ninoy dahil kapiling na niya si Pangulong Cory. At palagay ko sa hirap at sakit na pinagdaanan ni Pangulong Cory kinuha na siya ng Panginoon para maibsan na ang hirap niya. Sana ang ating pagdalamhati sa ngayon ay mauuwi sa pagbunyi sa darating na panahon. Dahil sa pagpanaw ni Pangulong Cory muling matatagpuan natin sa ating mga sarili ang pagmamahal sa bayan, ang manindigan para sa matuwid at ang paggamit ng ating mga kapangyarihan para mabago na ang kalakaran sa ating lipunan. Ito lang ang tanging paraan para magkaroon ng saysay ang ating pagdalamhati, ang pagkamatay ni Ninoy at pagpanaw ni Cory.
Ituloy ang laban ni Ninoy at Cory!