Sumilao Walk II

February 22, 2009
       Sa Lunes, Pebrero 23, 2009, muling makikiisa ang mga taga-Lungsod ng   Naga sa mga Sumilao far­mers. Noong nakaraang taon, ka­sama ang mga NGOs at farmers group ang pamunuan ng lungsod ay naging bahagi sa paglalakad mula sa boundary ng Naga hanggang sa Plaza Quince Martires.

       Sa mga taga-Naga, kasama na ako, ang 7 kilo­metro pag­lakad ay parang napakalayo na. Sa mga taga-Sumilao, ito ay kati­ting na parte ng mahigit na 1700 kilo­metrong kanilang nilakbay para mara­ting ang Kamaynilaan mula sa Sumi­lao, Bukidnon. Masaya at malungkot na gunitain ang kanilang u­nang pagpunyagi. Hindi sila nawalan ng pag-asa sa gitna ng pagsubok.

       Malungkot na dapat pa nilang pagdaanan ang hirap na kanilang dinanas para matamo lamang ang kanilang ninanais. Hindi biro ang maglakad ng 34 araw mula sa Bukidnon hanggang Maynila.

       Noong ginanap ang unang Sumilao Walk, kami ay nakiisa sa kanilang  pagpupunyagi kahit sa aming palagay hindi ibibigay ang kanilang ninanais. Tulad ng napakaraming dapat na biniyayaan ng programang agraryo, muling sumuklob na naman sa batas at sa “delaying tactics” ang mga nagmamay-ari ng lupa para pawalang saysay ang karapatan ng mga magsasaka.  May utos ang Dept. of Agrarian Reform (DAR) na dapat ipamahagi na ang mga lupa  subalit hindi naman naipapatupad. May mga taong may kapangyarihan na hindi yata ka­yang sakupin ng batas. Nagtagumpay ang mga taga-Sumilao, kahit hindi sa kabuuan ng kanilang hinihingi, dahil nagkaroon sila ng lakas ng loob at tibay ng dibdib na hindi nila lulubayan ang mga may katungkulan hanggang hindi sila pakinggan.

       Naglalakbay muli ang taga-Sumilao dahil sa isang mas mahalaga at mas malaking layunin. Hindi lamang para sa kanilang sarili kung hindi para sa lahat na umaasa pa na ang tunay na reporma agraryo ay matutupad pa rin sa ating bansa.

       Nais ipaglaban ng taga-Sumilao na ipagpatuloy ang pamamahagi ng lupa at sakupin pa ang mga lupain na talaga namang dapat kasama sa batas na sa ngayon ay nawalan na ng bisa. Imbes na ipagpapa­liban lamang ang pagkawalang bisa ng batas na para ring pinawalang saysay na, hinihingi na ipasa ang bagong batas para matakpan na ang mga butas ng luma.

       Sa gitna ng malakas na impluwensya ng mga “pro-landlord” na mga lehislador, mukhang ito ay isang mistulang panga­rap lamang. Subalit ang tagumpay ay maaaring makam­tan lamang kung handa tayong mabigo sa pagsumikap para matamo ito.

       Sa Lunes, nasa Plaza Quince Martires kaming mga taga-Naga para muling makiisa. Mahirap man umasa, nagdarasal kami na sana magtagumpay muli ang mga taga-Sumilao. Mas marami pang magsasaka ang makikinabang kung sakaling sila ay pakinggan.

       Tulad ng nakaraan, alam ko na lalahok ang aking mga kapwa Nagueno. Muli siyang maninindigan na dapat itaguyod natin ang karapatan ng ordinaryong mamamayan kung talagang tunay ang pag-unlad ng ating bansa. Hindi madali ang sumalungat sa pagnanais ng mga maykapangyarihan. Subalit hindi maaaring manahimik na lamang tayo kung nais nating magbago ang ating lipunan.

       Sa ganang ito, parati kong maipagmamalaki ang aming lungsod. Ang pinakatanging yaman niya ang matuwid na paninindigan sa harap ng hirap na dinudulot nito sa kanya. Mabuhay muli ang mga taga-Sumilao! Mabuhay rin ang mga taga-Naga!
Advertisements

Pagbabago

February 8, 2009

Halos labing-walong taon na akong nanunungkulan bilang Mayor ng Lungsod ng Naga. Sa anim na term ko, marami na akong nakita na nagtaguyod ng pagbabago. May mga nagtagumpay at may mga nabigo. Iba’t ibang layunin at iba’t-ibang paraan. Ika nga, mayroon gumamit ng kamay na bakal. Matapang at matigas na pagpasunod ng batas. Mayroon naman nagsumikap na hikayatin ang mga nasasakupan niya na makilahok sa mga pagbabagong ninanais. Imbes na iutos ang mga hakbang, ito ay pinagkasunduan. Imbes na gamitin ang kapangyarihan, ibinahagi ito sa mga mamayan.

Sa hanay ng mga gumamit ng kamay na bakal, walang duda na sina Mayor Fred Lim ng Manila, Mayor Rody Duterte ng Davao City at dating Mayor Bayani Fernando ng Marikina ang mga matagumpay na halimbawa na nagsaayos ng kanilang mga lungsod sa ganitong pamamaraan. Sa kabilang hanay, sina Mayor Oscar Rodriguez ng San Fernando City, Pampanga, Mayor Jerry Trenas ng Iloilo City at Mayor Mel Sarmiento ng Calbayog City ang nagpamalas na maaring makamit din ang pagbabago sa paraan tinatawag na “participatory democracy”. Dito sa Naga City, kami rin naniniwala na mahalaga na maging bahagi ang mga mamayan sa pagplano at pagsagawa ng pagbabago. Ika nga, ang “governance process” ay kasinghalaga ng “governance outcomes”. Dalawang mukha ng tagumpay. Dalawang paraang magkaiba. Sa maraming mga pulong madalas akong natatanong kung may iisang paraan lang na angkop sa pamamalakad sa pamahalaang local. Kahit may pagkiling ako sa paraang hinihimok na lumahok lahat sa pamamahala, di natin maitatanggi na mahalagang bahagi sina Mayors Lim, Duterte, Fernando at mga katulad nila sa husay na ipinamalas ng magkailang local sa bansa.

Hindi kaila na may mga kababayan tayo na hindi na naniniwala na ang demokrasya ay bagay sa atin. Ibig sabihin, mas mainam raw na maghanap na lang tayo ng diktador na tapat, matuwid at may puso para sa mamayan na siyang mamahala sa atin. Madalas na halimbawa si dating Prime Minister Lee Kwan Yew ng Singapore. Marahil dala ito ng ating mga naranasan sa nakaraang dekada. Unti-unting nasira ang tiwala ng taong bayan sa mga institusyon na siyang sandigan ng ating demokrasya. Kung, hindi lang naman nagagampanan ng mga institusyong ito ang kanilang mga tungkulin at layunin, ipagkatiwala na lang natin ang pamamahala sa isang mahusay, matapat at matapang na pinuno. Kung di natin naranasan ang panahon ng dating Pangulong Marcos, palagay ko may puwang sa mas nakararami ang pananaw na ito. Palagay ko na natuto na ang mga Pilipino na ang pamunuan na walang pananagutan hindi mabuti ang kahihinatnan. Maaring sa umpisa maayos, malinis at tapat. Subali’t lumalaon nakakalimot dahil wala ng namumuna, wala ng katunggali at naniwala na ang kapangyarihan ay nasa kanya at wala sa mga mamamayan.

Lubos ang aking paniwala na maari nating makamit ang pagbabago na hindi kailangan baguhin ang sistema ng pamamahala. Kahit hindi pare-pareho ang paraaan nina Mayor Lim, Mayor Fernando, Mayor Duterte at nina Mayor Rodriguez, Mayor Trenas at Mayor Sarmiento, isinaayos nila ang kanilang lugar sa loob ng sistemang kanilang kinagisnan. Kinuha nila ang tiwala ng mga mamamayan sa pagtugon sa kanilang mga hinaing at sa paggamit ng kapangyarihan para sa kapakanan ng mga nasasakupan. Palagay ko ito ang hinahanap ng mga mamayang Pilipino. Hindi pagbabago ng system, hindi cha-cha kung hindi pagbabago sa kanilang pamunuan. Pamunuan na matapat at tunay na nagpapahalaga ng kabutihan ng mamamayang Pilipino.