Para sa Bayan

April 30, 2009

Matagal na rin ako sa larangan ng pulitika. Marami ng mga pulitikong nakasama at nakatunggali.  May mga dating katunggali na ngayon mga kasama na.   At may mga kasama noon na ngayon ay mga katunggali na.  Sa mga pagkakataon na naghihiwahiwalay ang mga dating magkakasama, madalas na mabanggit ang dahilan nito ay prinsipyo at paninindigan.  Kaakibat nito ang paliwanag na ang desisyon ng paglipat sa ibang kampo ay para sa bayan at hindi pansarili.

Subalit sa karanasan naming mga hinalal na opisyales ng Naga City, palagay ko nagkakasundo-sundo kami kung ano ang kahulugan ng para sa bayan.  Ito ang pagtaguyod ng kapakanan ng aming lungsod.  Ang pagbigay ng pag-uunawa sa mga iba’t ibang pananaw, ang pagtatalo paminsan-minsan at pagsumikap na mabigyan ng puwang ang pangarap ng bawat kasama.  Subalit sa likod ng lahat ng ito, walang higit pa sa pagpanatili ng pagkakaisa dahil ito ang susi ng matagumpay na paglilingkod.  Mahalaga ang tagumpay ng lahat kesa sa pagnanais ng isa na maitaguyod ang sariling interes. Hindi madali sapagkat hindi lang minsan na hiningi ang pagsakripisyo ng mga kasama para sa tagumpay ng lahat.  Hindi madali dahil kahit sa pakiwari ng isa na siya ang mas nararapat, isinuko niya ang kanyang pangarap dahil ayaw niyang mabigyan ng pagkakataon ang aming mga katunggali na magkaroon ng pagkakataon na masira ang aming mga pinaghirapan.  Nagbunga ito ng binotohan ng “straight” ang aming buong “ticket” sa loob ng anim na sunod-sunod na halalan o sa loob ng maglalabing walong tao na.  Mula mayor, vice mayor hanggang pinakahuling konsehal ng aming ticket ay patuloy na hinalal ng mga mamayan. Hindi pa ito nangyari sa kasaysayan ng pulitika sa Naga City.  Minsan nga napagbibintangan pa na nandadaya kami sa eleksiyon.  Batid kong alam ng mga taga Naga City na hindi.  Hindi naman kaila sa karamihan na ang tanging dahilan ng tiwalang ito ay ang mahusay at matapat na pamamahala.  Sa iba’t ibang sukat at sa iba’t ibang paligsahan napatunayan na ng Naga City na maari siyang ihambing sa mga pinakamahusay na LGU sa buong Pilipinas.  (Malamang ang Naga City na ang “most awarded LGU” sa ating bansa — may mahigit “150 international, national at regional awards” at “6 Hall of Fame recognitions” ang naigawad sa Naga City).   Ang aming paniwala tunay na para sa bayan ang aming layunin kung meron kaming sapat na kakayahan para maitaas ang antas ng sukat ng buhay ng mga mamamayan.  Hindi lamang ang pagnanais naming makapaglingkod.  Hindi lamang ang matapat na pamamahala o matuwid na hangarin kung hindi ang aming kakayahan at karanasan sa mga problema kaakibat ng tungkulin na aming hinangad.

Galing pa lang ako sa isang international forum.  Nabanggit ng isang dayuhang pinuno ng isang sangay ng United Nations na natalaga sa Pilipinas, na parang walang linaw kung ano ang hinaharap ng ating bansa.  Maraming naghahangad na mahalal. Lahat isang lamang ang bukang bibig —- ang kanyang hangaring mahalal ay para sa bayan!  Ang sabi niya, kung tunay na talagang para sa bayan nga ang layunin ng mga ito, baka mas mainam na pag-aralan nila ang sitwasyon. Nagkakahati-hati ang mga may pare- parehong layunin. Lahat naniniwala na tanging siya ang karapat dapat.  Baka sa maling akala o hindi makatuwirang hangarin, ang puwede sanang magtagumpay na tunay na maaring magdala na kaunlaran para sa atin bayan ay hindi magwawagi.  Para sa bayan, baka mas mainam na itabi na ng iba ang kanilang plano tumakbo sa 2010. Para sa bayan, isantabi nila ang paniwalang mas karapat-dapat sila sa iba. Para sa bayan, magkaisa na lang ang may pare-parehong pananaw at layunin.  Dahil kung hindi, magagamit lamang muli ang mga katagang “para sa bayan” para maitaguyod ang mga interes na mga pangsarili.


Kabataan sa 2010

April 15, 2009

Kahapon naimbita kami ni Gg. Harvey Keh para kumatawan ng Kaya Natin! sa isang talakayan sa De la Salle University. Ako ay isang alumnus ng Unibersidad na ito at ako ay nagagalak na mukhang nagbubunga na ng mabuti ang pakikilahok ng pamunuan niya, sina Bro. Armin Luistro, Bro. Rollie Dizon at mga kasama nila, sa mga ugnayan at pangyayari na may relasyon sa pagbabago ng ating lipunan.  Mukhang namumulat na rin ang mga mag-aaral.  Kahit biernes at walang pasok, puno ang William Hall. Makahulugan ang mga tanong at mga pananaw ng mga estudyante.

Ang pangunahing paksa ay kung ano ang magagawa ng mga kabataan sa darating na halalan sa 2010.  Tulad ng aming paulit ulit na sinasabi, una sa lahat dapat magrehistro ang mga kabataan para mapabilang sila sa mga pipili.  Pangalawa, kilatising maigi ang mga nais humingi ng kanilang boto para maging kasangkapan ang kapangyarihang ito sa matuwid na pagpili. Pangatlo, hikayatin ang ibang kabataan na sumapi at makiisa sa kanilang pinapaniwalaang makapaglilingkod ng tapat at maayos.  Tapat, ibig sabihin may integridad, may matuwid na paninindigan at may pagmalasakit sa mahihirap. Maayos na pamamalakad na sa ngayon ang sukatan ang karanasan at kakayahan na naipamalas na ng mga gustong mamuno sa atin.

Hanggang ngayon, malaking palaisipan pa rin kung talagang may “youth vote” sa Pilipinas? Maliban marahil noong panahon na tumakbo si Senadora Miriam Santiago, hindi niya pa naipadama ang kanyang lakas. Maraming dahilan. Ang kawalan niya ng gana dahil sa nakikita niyang kalakaran ng pulitika sa bansa. Ang pagnanais niya na mangibang bayan na lang.  Ang mga bagay-bagay na mapagkakaabalahan na may relasyon sa mga pangarap niya. Nakakabahala subali’t hindi kataka-taka. Malungkot subalit dapat harapin ang hamong ito.

Ang katunayan kung anong tayo ngayon ay dala ng kung ano ang mga kabataan noong nakaraang panahon. Ang pangarap ni Rizal ay nagmistulang pangarap. Dahil hindi siya nakilahok, dahil hindi siya nakibahagi, dahil nawalan siya ng paniwala na siya may kapangyarihan din, ganitong klaseng lipunan na ang ginagalawan natin sa pangkasalukuyang panahon.  Ibig sabihin ganito din ang hinaharap ng mga sunod na henerasyon kung ang mga kabataan ngayon ay di makikibahagi sa pagsulong ng pagbabago.  May karapatan sila na sisihin ang mga kabataan noon (kasama ako at ang mga ka-edad ako).  Huwag sanang nilang hayaan na darating ang panahon na sila rin ang sisihin dahil tulad ng mga nauna sa kanila, hindi sila lumahok at nanindigan para sa mas maayos at masaganang bukas para sa atin mga kababayan. Ito ang hamon sa ating mga kabaataan sa 2010. Tugonan kaya nila?


Sino nga ba Trapo?

April 13, 2009

Ngayon na malapit na naman ang halalan, ang salitang trapo (na hinango sa salitang ”traditional politician”) ay muling magiging bukang bibig hindi lamang ng mga pulitikong magkatunggali kung hindi pati ng mga ordinaryong mamamayan. Walang gustong matawag na trapo. Para bang ito yong mga kontrabida sa larangan ng pulitika. Nag-umpisa ang “branding” na ito noong halalan ng 1992. Sinubukan ng yumaong Speaker Ramon Mitra, ng lumaban siya bilang Pangulo, na bigyan ng magandang kahulugan ang salitang trapo, ng binansagan siya at ang kanyang mga kasama na mga trapo. Hindi siya nagtagumpay.

Sa ordinaryong mamayan, ano nga ba trapo para sa kanya? Sa aking pakikisalamuha sa aming lugar, sinubukan kung hingin ang mga pananaw ng mga tao. Ayon sa isang NGO worker, ang trapo raw ay ang pulitiko na angkinin at pangalandakan ang mga proyekto ng gobyerno na parang ang mga ito ay galing sa kabutihang loob niya (kumpleto pati litrato niya). Alam naman natin na ito ay galing sa pamahalaan at hindi sa kanyang personal na bulsa. Ayon naman sa isang negosyante, ang trapo raw ang pulitikong na parating huli sa oras at matagal na nagpapaantay sa mga taong dapat niyang paglingkuran. Hindi lamang sa opisina o sa mga palatuntunan. Pati sa kasalan na siya ay naanyayahan. Pati sa mga pasaherong ng eroplano na kailangang maghintay at magpasensiya dahil wala pa ang VIP. Hindi iikot ang mundo kung wala pa siya. Ayon sa isang titser, ang trapo ay ang mga pulitiko na pera ang tanging paraan para makaakit ng papuri at atensyon. Tulad daw ng isang pulitiko sa lugar namin na imbes na magbigay ng inspirational message sa mga graduates, tinawag na lang mga magulang sa stage at binigyan ng tig P500. Tinawag din ang principal para bigyan ng perang pang ekskursiyon ang lahat ng mga guro. Napakaaga naman mamili ng boto. Nagbago na ang trapo. Nagpakatrapong-trapo na siya. Ayon naman sa isang tricycle driver, ang trapo ay ang pulitiko na naka sirena at “wang-wang” habang tumatakbo ang kanyang sasakyan sa kalsada, dahil ayaw niyang mahuli sa kanyang appointment subalit ayaw din niya namang gumising ng maaga. Ayon sa isang pulis, ang trapo ay ang pulitiko na ubod ng rami ng bodyguard kahit saan siya pumunta. Gusto niya ng tungkulin at kapangyarihan subalit takot siya sa peligro ng tungkulin kanyang hinahawakan. Ayon sa isang SK Chairman, ang trapo ay ang pulitiko na nagpapakita lang sa lugar pag malapit na ang halalan. Mas madalas pa sa coffee shop kesa sa mga lugar na ang mga tao nangailangan ng pagkalinga. Ayon sa isang waiter, ang trapo ay ang pulitikong sumasakay sa kasikatan ng iba para mapansin din siya. Ayon sa isang kilala kong pastor, ang trapo ay ang mga pulitikong tiwali na ginagatasan ang pamahalaan para manatili sa kapangyarihan. Ika nga ginigisa nila ang mga tao sa sarili nilang mantika at walang malay pa itong nagpapasalamat sa kanya.

Ganito ang mga trapo sa ating pulitika. Maraming nagtataka sa kahit bistadong bistado na sila, patuloy pa silang naghahari sa ating bansa. Sabi ng iba, kinakasangkapan ng mga trapo ang kahirapan ng mga mamayan. Sabi ng iba, kinakasangkapn ng trapo ang kamangmangan ng mga mamamayan. Subalit ang sabi ng trapo, nilalaro niya lang ang laro ng mga botante pagdating ng halalan. Pumapayag ang trapo na pagsamantalahan siya tuwing halalan. Kaya’t dapat lang pagsamantalahan niya rin ang mapagsamantalanng botante pagkatapos nito. Trapo daw siya dahil trapo rin ang botante. Sa ganitong mga pananaw, makaahon pa kaya si Juan de la Cruz? Makaahaon pa kaya an ating bansa? Sagutin natin sa 2010!


Kaya Natin!

April 12, 2009

Sa gitna ng kahirapan, kaguluhan at mga katiwalian na siyang halos araw-araw laman ng mga pahayagan, maraming nababahala at nagtatanong kung may pag-asa pa ba ang ating bansa.  Karamihan sa atin unti-unti ng nawawalan na ng tiwala sa kakayahan ng pamahalaan na isulong ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.  Ang mga surveys na nalathala, mag SWS, Pulse Asia at Ibon pawang pare-pareho ang sinasabi, ang kawalan ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.

Palagay ko ang puno’t dulo ng mga hinaing ng karaniwang mamayan ang pananaw na nawala na ang tunay at makahulugang pagpahalaga sa kanila. May mga programang pawang pamatid lamang sa kahirapan (P500 sa Senior Citizen, P500 na subsidy sa kuryente atbp) subali’t hindi tumutugon sa pangmatagalang pangangailangan ng mga mamamayan.

Mahalaga ang tao! Ibig sabihin hindi paunti-unti. Hindi pabigay-bigay. Hindi pangkasalukuyan. Kundi pangmatagalan. Maayos na pamamahala, tiwala ng namumuhunan, trabahong marangal, pagkalinga sa mahihirap, lipunang parehas — mga mithiing mukhang hindi na makakamit sa ngayon.

Sa gitna ng lahat ng ito, may mga lokal na nagsusumikap na tugunan ang mga hinaing ng ating mga kababayan. Sa Isabela, sa Pampanga, sa Ifugao, sa San Isidro, Nueva Ecija, sa Upi, Maguindanao, sa Marikina, sa San Fernando City, Pampanga at marami pang iba, mga tinatawag na islands of good governance, hindi gamot o pagkain of pabahay ang kanilang tangingmga tugon kung hindi ang maayos at matapat na pamamahala. Ang paniwala na dahil mahalaga ang mamamayan, kailangan na kalahok siya sa pamamahala. Nagtayo ng mga Peoples’ Council na bahagi ng paghanap ng mga lunas sasuliranin ng lugar. Ang mga tao tinanggap na higit sa benepisyo at biyaya na galing sa pamahalaan ay pag-ako ng tungkulin na ang pamamahala ay responsibilidad ng lahat. Maraming pagsubok pa ang haharapin ng mga lugar na ito. Walang pagbabago na walang oposisyon. Walang kabutihan, na walang naapakang kasamaan. Mapalad ang mga local na ito at nagbigyan ng puwang ang pagbabago. Kailangan silang magtagumpay kung nais natin ng pagbabago.

Kung kaya nila, kaya rin kaya natin? Kaya rin kaya ang pagbabago sa kabuuan ng ating bansa.  Ang sagot sa hamong ito ay nasa kamay ng ating mga mamamayan.  Totoo na nawalan na siya ng tiwala.  Nabigo na siya sa ilang pagkakataon. Subali’t ang pangarap natin sa ating mga anak ang nakataya.  Kung mayroon mang pang-alinlangan, ako na ang magsasabi na dapat kayanin natin!


Pagsasabuhay

April 5, 2009

Noong Febrero 28, 2009 naanyayahan ako at si Gg. Oscar Orbos, ang dating Executive Secretary ni Pangulong Cory Aquino, sa taonang pulong ng Philippine College of Rotary Governors (PCRG) sa Boracay.  Ang PCRG ay binubuo ng mga dating District Governors ng Rotary Philippines, mga prominenteng lider sa negosyo at sa gobyerno ng ating lipunan. Hindi ordinaryo na maging District Governor ng Rotary. (Alam ko ito dahil ako’y miyembro ng Rotary Club of Naga East.) Inaanyayahan ako para talakayin ang “transparency at anti-corruption program” ng Naga City.  Si Gg. Orbos naman ay binigay ang kanyang pananaw kung ano ang mga kamalian sa ating pamahalaan at sa ating lipunan.

Marahil dahil marami ng karanasan at marurunong ang mga miyembro ng PCRG, naging mas malaman ang pagpalitan ng kuro-kuro pagkatapos ng aming pagtalumpati. Hindi na matatawaran ang mga nagawa na ng iba’t ibang mga Rotary Clubs sa buong Pilipinas.  Ang programang “water for life”, ang “polio plus” at iba pa ay maraming nabiyayaang mga Pilipino. Kaya kung ang sukatan mga proyektong naipamahagi, marami ng tagumpay ang natamo ng Rotary.  Subali’t natuon ang mas malalim na talakyan ng may isang nagtanong kung ano ang tunay na saysay ang mga Rotary clubs sa Pilipinas.  Ito ay sa gitna ng mga katiwalian na nasangkot ang mga prominenteng Rotarians (nabanggit si “Joc Joc” at ang fertilizer scam). Sa isang banda, hindi naman si “Joc Joc” Bolante ang Rotary Philippines.  Subali’t makahulugan ang tanong dahil saan mang dako ng Pilipinas, maraming mga Rotarians ang namumuno ng mga negosyo at mga may tungkulin sa pamahalaan.

 

Sa pananaw ni Gg. Orbos, ang unang dapat na gampanan ng sinumang miyembro ng alin mang ‘civic club’ ay ang pagsabuhay ang mga prinsipyo tinataguyod nito. Halimbawa sa Rotary, ang tinatawag na “four-way test” ang sukat ng tunay na Rotarian. “Is it the truth”, “is it fair to all concerned?”, “will it build goodwill and better friendship” at “will it be beneficial to all concerned?”.  Ika nga, ang dapat na nasa loobin ni Gg. “Joc Joc” Bolante, ng ipinagkatiwala sa kanya ang pondo para sa magsasaka ay ang mga prinsipyong ito, bilang isang nakakataas na opisyal ng Rotary.  Ito rin sana ang kanya patnubay ng humarap siya sa Senado ng siya’y hiningan ng paliwanag sa hinihinalaang “fertilizer scam”.

Mahalagang mga aral ang naibahagi ng talakayang nangyari.   Higit sa lahat, hinihingi sa mga kasapi ng Rotary ang pagsabuhay ng mga paniwala, prinsipyo at paninindigan ng kanilang organisasyon.  Hindi talino at hindi kakayahan na dala ng salapi ang hihingi lalo na sa panahon na tayo ay dumadaan sa pagsubok katulad ngayon. Mapalad ang mga Rotary Clubs dahil ang kanilang pamunuan ay nagtatanong at nagsusuri kung ano nga ba ang saysay ng kanilang civic club sa ating lipunan.  Mapalad sila dahil mas malalim ang kanilang pananaw na hindi lamang mga proyekto ang sukatan nila.  Kasinghalaga nito ay ang wastong asal ng mga kasama nilang Rotarian.

Sa pangkalahatan, mabuti ang ginagawang pagsusuri na ito ng PCRG. Sana ay magkaroon rin ng ganitong pagsusuri ang mga may kapangyarihan at may tungkulin sa ating bansa.  Katulad sa larangan ng pulitika, parating ipinagmamalaki ng mga pulitiko ang mga proyektong na kanyang naipagawa. Kung yon lamang ang sukat sana ay maunlad na ang Pilipinas.  Subali’t alam nating hindi.  Sa ngayon ang karaniwang pananaw, mas malaki ang proyekto, mas malaki ang katiwalian. Palagay ko mahalaga ang mga proyekto.  Subalit mas mahalaga ang tiwala ng mamamayan.  Tiwalang makukuha lamang kung magiging matuwid at wasto ang asal ng mga kinauukolan.  Malamang katulad ng marami hindi tayo na naniniwala na sa sarili pagkusa, susuriin ng mga pulitiko ang mga kamalian niya.  Kaya isa lang ang tanging paraan para manaig ang maituwid.  Suriin natin sila lahat sa susunod na halalan hindi sa pondo at proyektong naipagawa kung di sa pagsabuhay ng mga prinsipyo at paniwalang ating pinahahalagahan.  Ito lang ang makakapagbago ng ating bansa.