Boys Scouting

May 24, 2009

Noong  nasa grade school pa lang ako, isa sa mga pinakamasaya kong karanasan ay ng sumapi ako sa Boys Scout. Natuto kami ng first-aid, lumangoy at magsaing. Tinuruan din kami ng mga wastong asal at ugali. Palagay ko malaking bahagi ng aking mga paniwala, paninindigan at pananaw ngayon ay dala ng aking  pinagdaaanan sa scouting. Maari ko ngang sabihin na kung purong Boys Scout pa rin ako hanggang ngayon, malamang na mas pakikinabangan  ng aming lungsod ang kakayahan at kapangyarihan na pinagkatiwala niya sa akin. Isang panghabang buhay na sukatan ang mga prinsipyo ng scouting. Mananatiling hamon ang pagsabuhay nito.

Noong martes, ginanap ang BSP National Council Meeting sa Zamboanga City. Bilang Chairman, tinanggap ko para sa Naga City Council ang award bilang isa sa mga mahuhusay na council sa Pilipinas. Malaking karangalan ito sa amin lalo na dahil hindi  pa naman katagalan na nabuo ang Naga City BSP Council. Sa aking pagnanais na mabigyan na tamang pansin ang scouting, hiniling ko na magkaroon na ng hiwalay na Council na ang Naga City. Palagay ko, pinatunayan ng mga tagumpay na natamo niya na dapat nga lang ng sariling konseho ang Naga City.

Si Mayor Jojo Binay ang Pangulo ngayon. Subali‘t ang mga nasa magkabilang panig sa larangan ng pulitika ay nandoon din. Nandoon si dating Governor Obet Pangdangan, Governor Victor Yap, Cong. Del de Guzman, Mayor Lawrence Cruz, Mayor Celso Lobregat, Vice-Governor David Ponce de Leon, dating Cong. Jun Aniag, Mayor Corvera, Mayor Guiam, Mayor Ona at marami pa iba. Iba’t ibang partido, makatunggali sa pulitika nguni’t nagkakaunawaan sa Boys Scouting. Iba’t ibang partido, iba’t ibang pinagdaanan, nagkaisa lahat sa scouting. Dating may mga tungkulin, wala na sa tungkulin, Boys Scout pa rin. Lahat, nais na maging bahagi sa paghubog ng hinaharap ng mga bata at kabataang Pilipino. Kung bigo man tayo sa pangkasulukuyang henerasyon, umaasang maisasaayos ang susunod sa pagtaguyod ng scouting sa kanya kanyang lugar.

Maraming hamon ang hinaharap ng scouting. Ayon sa kanyang pamunuan, bumaba ang membership mula sa pinamataas na bilang na 3 milyon sa kasalukuyan 1.6 milyon na lang. Dala ito ng “no-collection policy” ng DepEd. Mabuti man o hindi ang patakarang ito, kailangang maghanap ng ibang paraan kung paano mabibigyan ang lahat ng pagkakataon na sumapi at lumahok sa scouting. Kailangan mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga bata — mahirap man o mayaman na maranasan niya ang maging Boys Scout (o Girls Scout).

Dito sa Naga, hihimukin namin ang mga my kakayahan na tumulong at magkontribusyon. Isasalang namin ang isang batas na ang mga negosyante ay may taunang kontribusyon sa Boys Scout at sa Girls Scout. Hindi kalakihang halaga subali’t magbibigay saysay sa pananaw na dapat kasama lahat sa tamang paghubog ng mga bata sa aming lugar. Katulad sa national council, maaring ito ang daan na magkaisa lahat sa lokal. Isang simulain na makakapagbago ng ugali sa susunod na henerasyon. Dapat pag-ibayuhin natin ang mga bagay na nagbibigay daan na magkaisa. Kung di man sa pulitika sa scouting na lang!


Padyak

May 18, 2009

Kagabi ng pauwi ako galing sa isang induction ng isang organisasyon ng kabataan, nasundan ko ang isang padyak. May dalawang pasaherong sakay  Ang drayber ay mukhang mahigit singkwentang taon na. Nguni’t tila di niya nararamdaman ang pagod na dinaanan niya sa maghapong pagkayod. Medyo mabagal ang kanyang takbo at medyo naabala ang sumusunod na mga sasakyan sa kanya. Subali’t tulad ng mahigit kumulang na 1500 padyak drayber sa Naga City, muling matatapos ang araw na naitawid na naman niya ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Natatandaan ko pa ng mag-umpisang magkaroon ng mga padyak sa Naga City noong 1990, pinuna na ito ng aming kalaban sa pulitika. Paurong daw ang pag-unlad ng lungsod. Wala raw lugar ito sa kalsada namin. Palagay ko, sa pangkalahatan, naintindihan ang aming pananaw sa bagay na ito, dahil patuloy kaming pinagkatiwalaan ng mga Nagueno. Ang sabi ko noon, ang isang marangal at malinis na hanapbuhay katulad ng pagpadyak ay dapat bigyan ng puwang sa aming lugar. Dapat sa pag-unlad, lahat ay maaring makilahok at dapat kabahagi lalo na yong walang sapat na lakas at kaalaman tulad ng mga namumuhunan at maykapangyarihan. Katunayan obligasyon ng pamahalaan at ng lipunan na bigyan sila ng pagkakataon  maghanapbuhay. (Palagay ko, kung bibigyan sila ng mas magandang alternatibo, pipiliin ng mga nagpapadyak ang mas magaan at mas mataas na kitang hanapbhay.) At dahil bigo silang makamtan ito, naghanap sila ng isang mahirap subali’t malinis na pagkakakitaan.

Maraming patalinghaga ang nabubuo ng pagpadyak na nauukol sa ating mga paniwala at galaw ng ating lipunan. Una, sa hirap ng trabahong ito, tinuturuan nya tayong lahat ng ang tagumpay ay hindi madali. Huwag tayong umasa, lalo na dahil ang ating bansa ay lugmok na sa kahirapan, na isang araw ay gigising na lang tayo na ang ating mamumulatan ay isang maunlad ng Pilipinas. Kailangang tayo ay makibahagi, magsakripisyo at makipaglaban para magbago ang kalakaran sa ating pulitika at ekonomiya. Pangalawa, walang tunay na pag-unlad kung ang may kaalaman at mayayaman lamang ang makikinabang. Ang padyak ang isa sa mga simbolo ng kahirapan at pagsusumikap. Pinapaalala sa atin  na walang saysay ang pag-unlad kung lalo lamang lalaki ang agwat ng mayaman at mahirap. Pangatlo, dapat bigyan natin ng puwang ang mga mahihirap na makaahon sa sarili nilang kakayahan. Mahalaga ang batas. Mahalaga ang areglo sa kalsada. Subali’t mas mahalaga na magkaroon ng paniwala ang ating mahihirap na mamamayan na siya ay aakayin ng ating lipunan kung siya ay magsusumikap. (Dito sa Naga City, may sidewalk vending ordinance na pinapayagan ang “regulated vending”.)

Sa aking panunungkulan, ang buhay ng malimit na ang aking mga nakakasalamuha noon, ang mistulang simbolo ay ang pagpadyak. Mga taong mahihirap subali’t nagsusumikap. Mga taong kailangan tulungan dahil tinutulungan ang kanilang sarili. Mga taong may mga munting pangarap para sa kinabukasan ng mga mahal nila sa buhay. Ang hamon sa aming pamamahala, gawing makahulugan ang pag-unlad para makinabang lahat!


Magrehistro at Bumoto

May 16, 2009

Noong May 6, 2009, nagtipon-tipon kami sa pangunguna ni Sen. Kiko Pangilinan para itulak ang isang “register and vote campaign” (RV) para sa halalan sa 2010. Kasama sa bumubuo ng grupong ito si Cong Risa Hontiveros-Baraquiel ng Akbayan, dating Congressman Neric Acosta ng Bukidnon, Gg. Bam Aquino at Gg. Alex Lacson. Ang layunin ay hikayatin ang mahigit na 9 milyong “first time voters” na magrehistro, makilahok sa usapin at bumoto sa darating na halalan..

Sa unang tingin, ordinaryo ang kampanyang ito. Subalit alam nating lahat na napakahalaga ng halalan sa 2010 sa pagbabago ng ating bansa, Binibigyan tayong muli ng pagkakataong maituwid, maiwasto at maisaayos hindi lamang ang pulitika sa ating bansa kung hindi ang kalakaran sa ating lipunan. Patuloy na nawawalan ng tiwala ang mamayan sa ating pamahalaan. At ang masaklap ang kanyang pananaw na pare-pareho lang naman ang mga nais mamuno at wala naman siyang magagawa. Para bagang ayaw niya ng suriin ang kanyang mga pinagpipilian. Hindi na lang siya makikilahok. Hindi na lang siya boboto. Kaya ang dulo nito, walang pagbabago at tunay ngang magkakatotoo ang kanyang paniwala. Ang magwawagi ay pareho lang ng kanyang hindi ninais.

Hindi kagaya ng dati ang kampanyang ito. Matagal ng kinasangkapan ng mga pulitiko ang kapangyarihan ng mamayan na humalal ng kanyang mga lider. Ginamit ang kanyang kahirapan. Binili ang kanyang kapangyarihan. Panahon na parang muli mabawi ng mamayan ang pamahalaan. Hindi sa marahas na pamamagitan kung hindi sa kapangyarihan maituwid niyang gagawin— ang pagboto ng tama. Siyam na milyon sa 2010 ang may ganitong pagkakataon kung mabubuo ito. Mahigit beinte porsiyento ng pangkalahatan. Ang “RV Campaign” ay makikiisa sa lahat ng may parehong layunin na mabigyan ng tunay na saysay ang halalan. Hindi lamang hikayatin ang mamayan na mag-rehistro at bumoto. Kung hindi suriin ang mga pagpipilian at magkumbinsi ng iba para magkaroon ng saysay ang kanyang kapangyarihan maging bahagi sa pagluklok ng pamunuan sa ating bansa. Maliban sa hamon ng 2010, ang isang layunin ng kampanya ay tumulong na palawakin at palakasin ang tinatawag na “reform constituency”. Ibig sabihin sa lokal at sa nasyonal, umaasa tayo na ito ang mga banhing ipupunla natin patungo sa makahulugan at pangmatagalang pagbabago sa ating bansa.

Magrehisto at bumoto tayo!