Pagdadalamhati at Pagbubunyi

August 16, 2009

Noong Agosto 4, 2009, dumalo ako sa “necrological service” para kay Pangulong Cory. Nakiisa sa maraming mga Pilipino sa pakikiramay sa kanyang pamilya sa pagpanaw niya. Noong huling dumalaw si Pangulong Cory sa Naga City para ikampanya si Cong. Noynoy para sa Senado, puno ang aming pagmamalaki sa sabay niyang pag-endorso sa amin sa lokal na halalan. Alam namin ang sukat ni Pangulong Cory. Hindi lang popularidad, hindi lang kakayahang manalo kung hindi higit sa lahat  ang matapat at matuwid na paglilingkod sa mamamayan. Ito ang mga katangian ipinamalas niya ng siya ay inuloklok natin bilang Pangulo. Ito pa rin ang mga katangian at pananaw na kanyang ipinaglaban sa pangkasalukuyang panahon.

Tulad namin marami ang naghihinayang at nagdadalamhati. Nalulungkot dahil wala na ang gabay natin sa pakikibaka para maiwasto ang pulitika sa ating bansa. Bakit nga naman ngayon na muling nababalot sa krisis ang Pilipinas lumisan na siya? Hindi pa tapos ang laban Ninoy. Hindi pa tapos ang laban ni Cory. Sa ating pagdalamhati, maaring nalulungkot tayo para sa kanya o para sa ating sarili. Marami sa ating kababayan ang nagnanais na makamtan ang pagbabago subali’t ayaw niyang makilahok. Sana sa pagpanaw ni Pangulong Cory, maantig ang ating isip at damdamin at tatanggapin natin ang hamon na sinimulan ni Ninoy, pinagpatuloy ni Cory at magiging daan para sa tagumpay ng bawat mamamayang Pilipino. Hindi lamang demokrasya bilang isang paraan ng pamamahala, kung hindi higit sa lahat, demokrasya na mag-aangat ng antas ng buhay ng ordinaryong Pilipino.

Sabi nila nagbubunyi raw si Ninoy dahil kapiling na niya si Pangulong Cory. At palagay ko sa hirap at sakit na pinagdaanan ni Pangulong Cory kinuha na siya ng Panginoon para maibsan na ang hirap niya. Sana ang ating pagdalamhati sa ngayon ay mauuwi sa pagbunyi sa darating na panahon. Dahil sa pagpanaw ni Pangulong Cory muling matatagpuan natin sa ating mga sarili ang pagmamahal sa bayan, ang manindigan para sa matuwid at ang paggamit ng ating mga kapangyarihan para mabago na ang kalakaran sa ating lipunan.  Ito lang ang tanging paraan para magkaroon ng saysay ang ating pagdalamhati, ang pagkamatay ni Ninoy at pagpanaw ni Cory.

Ituloy ang laban ni Ninoy at Cory!


Luho

August 16, 2009

Noong nakaraang dalawang linggo nagpasa ng isang Resolution ang Sanggunian Panlungsod ng Naga City na pinupuna ang Department of Foreign Affairs Region 5 Field Office (DFA R5), sa pamumuno ni Director Jose Jacob, dahil sa desisyon nito na hintuin na ang “mobile passporting” sa Naga City. Kasi hindi raw akma sa katayuan ng kanyang mga kawani ang klase ng akomodasyon na ibinibigay namin. Malungkot, dahil una sa lahat, tinutulungan na nga namin na gampanan ng DFA ang kanyang tungkulin at trabaho na mapadali ang pagkuha ng mga pasaporte lalo na ng mga ordinaryo mamamayan. Malungkot, dahil dapat nga magpasalamat pa sila dahil lahat ng gastos, transportasyon, pagkain at akomodasyon ay sagot ng pamahalaang local ng Naga. Wala pang kawanihan ng gobyerno na ganito ang hinihingi para lang gawin niya ang kanya namang talagang trabaho. Ang kanilang reklamo ay tinitira daw sila sa Naga City Hostel. Hindi ”5-star” ang hostel. Subali’t lahat ng kuwarto nito ay air-conditioned at may sariling banyo. Malinis at maayos naman ang mga kuwarto at maaliwalas ang lugar. (Dito pala tumitira ang mga kandidata sa Ms Bicolandia Pageant, mga kawani ng national government agencies na may gagawin sa Naga, mga bisita sa Penafrancia Fiesta, atbp.) Hindi pa ito sapat, sabi ng DFA-R5. Mukhang ang mga kawani ng DFA-R5 ay iba sa ating lahat. Sila ay “class”!

Kaya ng umalingawngaw ang balita tungkol sa P1Milyon hapunan ng ating Pangulo at ang kanyang mga kasama sa Amerika (at bago nito ay isa pang hapunan na P 0.75 Milyon) agad na naisip ko ang mga kawani ng DFA-R5. Ito na nga ba ang kalakaran sa pamahalaan ngayon? Utusan ang ordinaryong kawani magtipid. Subali’t ang mga may tungkulin at kapangyarihan ay di-sakop sa mga utos na ito. Sa gitna ng kahirapan, may karapatan pa ba tayong maging “class”? Kay naman pala ganito ang mga kawani ng DFA-R5. May tinitingalang gagayahan. Siyanga naman. Kung pwede sila sa Maynila magluho, dapat pwede rin dito. Kaya dahil hindi namin kaya ang akomodasyon na hinihingi ng DFA-R5, wala ng ’mobile passporting’ sa Naga. Kawawa mga mamamayan. Hindi niya kaya ang luho ng mga naninilbihan sa kanya!