Kabataan sa 2010

April 15, 2009

Kahapon naimbita kami ni Gg. Harvey Keh para kumatawan ng Kaya Natin! sa isang talakayan sa De la Salle University. Ako ay isang alumnus ng Unibersidad na ito at ako ay nagagalak na mukhang nagbubunga na ng mabuti ang pakikilahok ng pamunuan niya, sina Bro. Armin Luistro, Bro. Rollie Dizon at mga kasama nila, sa mga ugnayan at pangyayari na may relasyon sa pagbabago ng ating lipunan.  Mukhang namumulat na rin ang mga mag-aaral.  Kahit biernes at walang pasok, puno ang William Hall. Makahulugan ang mga tanong at mga pananaw ng mga estudyante.

Ang pangunahing paksa ay kung ano ang magagawa ng mga kabataan sa darating na halalan sa 2010.  Tulad ng aming paulit ulit na sinasabi, una sa lahat dapat magrehistro ang mga kabataan para mapabilang sila sa mga pipili.  Pangalawa, kilatising maigi ang mga nais humingi ng kanilang boto para maging kasangkapan ang kapangyarihang ito sa matuwid na pagpili. Pangatlo, hikayatin ang ibang kabataan na sumapi at makiisa sa kanilang pinapaniwalaang makapaglilingkod ng tapat at maayos.  Tapat, ibig sabihin may integridad, may matuwid na paninindigan at may pagmalasakit sa mahihirap. Maayos na pamamalakad na sa ngayon ang sukatan ang karanasan at kakayahan na naipamalas na ng mga gustong mamuno sa atin.

Hanggang ngayon, malaking palaisipan pa rin kung talagang may “youth vote” sa Pilipinas? Maliban marahil noong panahon na tumakbo si Senadora Miriam Santiago, hindi niya pa naipadama ang kanyang lakas. Maraming dahilan. Ang kawalan niya ng gana dahil sa nakikita niyang kalakaran ng pulitika sa bansa. Ang pagnanais niya na mangibang bayan na lang.  Ang mga bagay-bagay na mapagkakaabalahan na may relasyon sa mga pangarap niya. Nakakabahala subali’t hindi kataka-taka. Malungkot subalit dapat harapin ang hamong ito.

Ang katunayan kung anong tayo ngayon ay dala ng kung ano ang mga kabataan noong nakaraang panahon. Ang pangarap ni Rizal ay nagmistulang pangarap. Dahil hindi siya nakilahok, dahil hindi siya nakibahagi, dahil nawalan siya ng paniwala na siya may kapangyarihan din, ganitong klaseng lipunan na ang ginagalawan natin sa pangkasalukuyang panahon.  Ibig sabihin ganito din ang hinaharap ng mga sunod na henerasyon kung ang mga kabataan ngayon ay di makikibahagi sa pagsulong ng pagbabago.  May karapatan sila na sisihin ang mga kabataan noon (kasama ako at ang mga ka-edad ako).  Huwag sanang nilang hayaan na darating ang panahon na sila rin ang sisihin dahil tulad ng mga nauna sa kanila, hindi sila lumahok at nanindigan para sa mas maayos at masaganang bukas para sa atin mga kababayan. Ito ang hamon sa ating mga kabaataan sa 2010. Tugonan kaya nila?

Advertisements

Sino nga ba Trapo?

April 13, 2009

Ngayon na malapit na naman ang halalan, ang salitang trapo (na hinango sa salitang ”traditional politician”) ay muling magiging bukang bibig hindi lamang ng mga pulitikong magkatunggali kung hindi pati ng mga ordinaryong mamamayan. Walang gustong matawag na trapo. Para bang ito yong mga kontrabida sa larangan ng pulitika. Nag-umpisa ang “branding” na ito noong halalan ng 1992. Sinubukan ng yumaong Speaker Ramon Mitra, ng lumaban siya bilang Pangulo, na bigyan ng magandang kahulugan ang salitang trapo, ng binansagan siya at ang kanyang mga kasama na mga trapo. Hindi siya nagtagumpay.

Sa ordinaryong mamayan, ano nga ba trapo para sa kanya? Sa aking pakikisalamuha sa aming lugar, sinubukan kung hingin ang mga pananaw ng mga tao. Ayon sa isang NGO worker, ang trapo raw ay ang pulitiko na angkinin at pangalandakan ang mga proyekto ng gobyerno na parang ang mga ito ay galing sa kabutihang loob niya (kumpleto pati litrato niya). Alam naman natin na ito ay galing sa pamahalaan at hindi sa kanyang personal na bulsa. Ayon naman sa isang negosyante, ang trapo raw ang pulitikong na parating huli sa oras at matagal na nagpapaantay sa mga taong dapat niyang paglingkuran. Hindi lamang sa opisina o sa mga palatuntunan. Pati sa kasalan na siya ay naanyayahan. Pati sa mga pasaherong ng eroplano na kailangang maghintay at magpasensiya dahil wala pa ang VIP. Hindi iikot ang mundo kung wala pa siya. Ayon sa isang titser, ang trapo ay ang mga pulitiko na pera ang tanging paraan para makaakit ng papuri at atensyon. Tulad daw ng isang pulitiko sa lugar namin na imbes na magbigay ng inspirational message sa mga graduates, tinawag na lang mga magulang sa stage at binigyan ng tig P500. Tinawag din ang principal para bigyan ng perang pang ekskursiyon ang lahat ng mga guro. Napakaaga naman mamili ng boto. Nagbago na ang trapo. Nagpakatrapong-trapo na siya. Ayon naman sa isang tricycle driver, ang trapo ay ang pulitiko na naka sirena at “wang-wang” habang tumatakbo ang kanyang sasakyan sa kalsada, dahil ayaw niyang mahuli sa kanyang appointment subalit ayaw din niya namang gumising ng maaga. Ayon sa isang pulis, ang trapo ay ang pulitiko na ubod ng rami ng bodyguard kahit saan siya pumunta. Gusto niya ng tungkulin at kapangyarihan subalit takot siya sa peligro ng tungkulin kanyang hinahawakan. Ayon sa isang SK Chairman, ang trapo ay ang pulitiko na nagpapakita lang sa lugar pag malapit na ang halalan. Mas madalas pa sa coffee shop kesa sa mga lugar na ang mga tao nangailangan ng pagkalinga. Ayon sa isang waiter, ang trapo ay ang pulitikong sumasakay sa kasikatan ng iba para mapansin din siya. Ayon sa isang kilala kong pastor, ang trapo ay ang mga pulitikong tiwali na ginagatasan ang pamahalaan para manatili sa kapangyarihan. Ika nga ginigisa nila ang mga tao sa sarili nilang mantika at walang malay pa itong nagpapasalamat sa kanya.

Ganito ang mga trapo sa ating pulitika. Maraming nagtataka sa kahit bistadong bistado na sila, patuloy pa silang naghahari sa ating bansa. Sabi ng iba, kinakasangkapan ng mga trapo ang kahirapan ng mga mamayan. Sabi ng iba, kinakasangkapn ng trapo ang kamangmangan ng mga mamamayan. Subalit ang sabi ng trapo, nilalaro niya lang ang laro ng mga botante pagdating ng halalan. Pumapayag ang trapo na pagsamantalahan siya tuwing halalan. Kaya’t dapat lang pagsamantalahan niya rin ang mapagsamantalanng botante pagkatapos nito. Trapo daw siya dahil trapo rin ang botante. Sa ganitong mga pananaw, makaahon pa kaya si Juan de la Cruz? Makaahaon pa kaya an ating bansa? Sagutin natin sa 2010!


Kaya Natin!

April 12, 2009

Sa gitna ng kahirapan, kaguluhan at mga katiwalian na siyang halos araw-araw laman ng mga pahayagan, maraming nababahala at nagtatanong kung may pag-asa pa ba ang ating bansa.  Karamihan sa atin unti-unti ng nawawalan na ng tiwala sa kakayahan ng pamahalaan na isulong ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.  Ang mga surveys na nalathala, mag SWS, Pulse Asia at Ibon pawang pare-pareho ang sinasabi, ang kawalan ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.

Palagay ko ang puno’t dulo ng mga hinaing ng karaniwang mamayan ang pananaw na nawala na ang tunay at makahulugang pagpahalaga sa kanila. May mga programang pawang pamatid lamang sa kahirapan (P500 sa Senior Citizen, P500 na subsidy sa kuryente atbp) subali’t hindi tumutugon sa pangmatagalang pangangailangan ng mga mamamayan.

Mahalaga ang tao! Ibig sabihin hindi paunti-unti. Hindi pabigay-bigay. Hindi pangkasalukuyan. Kundi pangmatagalan. Maayos na pamamahala, tiwala ng namumuhunan, trabahong marangal, pagkalinga sa mahihirap, lipunang parehas — mga mithiing mukhang hindi na makakamit sa ngayon.

Sa gitna ng lahat ng ito, may mga lokal na nagsusumikap na tugunan ang mga hinaing ng ating mga kababayan. Sa Isabela, sa Pampanga, sa Ifugao, sa San Isidro, Nueva Ecija, sa Upi, Maguindanao, sa Marikina, sa San Fernando City, Pampanga at marami pang iba, mga tinatawag na islands of good governance, hindi gamot o pagkain of pabahay ang kanilang tangingmga tugon kung hindi ang maayos at matapat na pamamahala. Ang paniwala na dahil mahalaga ang mamamayan, kailangan na kalahok siya sa pamamahala. Nagtayo ng mga Peoples’ Council na bahagi ng paghanap ng mga lunas sasuliranin ng lugar. Ang mga tao tinanggap na higit sa benepisyo at biyaya na galing sa pamahalaan ay pag-ako ng tungkulin na ang pamamahala ay responsibilidad ng lahat. Maraming pagsubok pa ang haharapin ng mga lugar na ito. Walang pagbabago na walang oposisyon. Walang kabutihan, na walang naapakang kasamaan. Mapalad ang mga local na ito at nagbigyan ng puwang ang pagbabago. Kailangan silang magtagumpay kung nais natin ng pagbabago.

Kung kaya nila, kaya rin kaya natin? Kaya rin kaya ang pagbabago sa kabuuan ng ating bansa.  Ang sagot sa hamong ito ay nasa kamay ng ating mga mamamayan.  Totoo na nawalan na siya ng tiwala.  Nabigo na siya sa ilang pagkakataon. Subali’t ang pangarap natin sa ating mga anak ang nakataya.  Kung mayroon mang pang-alinlangan, ako na ang magsasabi na dapat kayanin natin!


Pagsasabuhay

April 5, 2009

Noong Febrero 28, 2009 naanyayahan ako at si Gg. Oscar Orbos, ang dating Executive Secretary ni Pangulong Cory Aquino, sa taonang pulong ng Philippine College of Rotary Governors (PCRG) sa Boracay.  Ang PCRG ay binubuo ng mga dating District Governors ng Rotary Philippines, mga prominenteng lider sa negosyo at sa gobyerno ng ating lipunan. Hindi ordinaryo na maging District Governor ng Rotary. (Alam ko ito dahil ako’y miyembro ng Rotary Club of Naga East.) Inaanyayahan ako para talakayin ang “transparency at anti-corruption program” ng Naga City.  Si Gg. Orbos naman ay binigay ang kanyang pananaw kung ano ang mga kamalian sa ating pamahalaan at sa ating lipunan.

Marahil dahil marami ng karanasan at marurunong ang mga miyembro ng PCRG, naging mas malaman ang pagpalitan ng kuro-kuro pagkatapos ng aming pagtalumpati. Hindi na matatawaran ang mga nagawa na ng iba’t ibang mga Rotary Clubs sa buong Pilipinas.  Ang programang “water for life”, ang “polio plus” at iba pa ay maraming nabiyayaang mga Pilipino. Kaya kung ang sukatan mga proyektong naipamahagi, marami ng tagumpay ang natamo ng Rotary.  Subali’t natuon ang mas malalim na talakyan ng may isang nagtanong kung ano ang tunay na saysay ang mga Rotary clubs sa Pilipinas.  Ito ay sa gitna ng mga katiwalian na nasangkot ang mga prominenteng Rotarians (nabanggit si “Joc Joc” at ang fertilizer scam). Sa isang banda, hindi naman si “Joc Joc” Bolante ang Rotary Philippines.  Subali’t makahulugan ang tanong dahil saan mang dako ng Pilipinas, maraming mga Rotarians ang namumuno ng mga negosyo at mga may tungkulin sa pamahalaan.

 

Sa pananaw ni Gg. Orbos, ang unang dapat na gampanan ng sinumang miyembro ng alin mang ‘civic club’ ay ang pagsabuhay ang mga prinsipyo tinataguyod nito. Halimbawa sa Rotary, ang tinatawag na “four-way test” ang sukat ng tunay na Rotarian. “Is it the truth”, “is it fair to all concerned?”, “will it build goodwill and better friendship” at “will it be beneficial to all concerned?”.  Ika nga, ang dapat na nasa loobin ni Gg. “Joc Joc” Bolante, ng ipinagkatiwala sa kanya ang pondo para sa magsasaka ay ang mga prinsipyong ito, bilang isang nakakataas na opisyal ng Rotary.  Ito rin sana ang kanya patnubay ng humarap siya sa Senado ng siya’y hiningan ng paliwanag sa hinihinalaang “fertilizer scam”.

Mahalagang mga aral ang naibahagi ng talakayang nangyari.   Higit sa lahat, hinihingi sa mga kasapi ng Rotary ang pagsabuhay ng mga paniwala, prinsipyo at paninindigan ng kanilang organisasyon.  Hindi talino at hindi kakayahan na dala ng salapi ang hihingi lalo na sa panahon na tayo ay dumadaan sa pagsubok katulad ngayon. Mapalad ang mga Rotary Clubs dahil ang kanilang pamunuan ay nagtatanong at nagsusuri kung ano nga ba ang saysay ng kanilang civic club sa ating lipunan.  Mapalad sila dahil mas malalim ang kanilang pananaw na hindi lamang mga proyekto ang sukatan nila.  Kasinghalaga nito ay ang wastong asal ng mga kasama nilang Rotarian.

Sa pangkalahatan, mabuti ang ginagawang pagsusuri na ito ng PCRG. Sana ay magkaroon rin ng ganitong pagsusuri ang mga may kapangyarihan at may tungkulin sa ating bansa.  Katulad sa larangan ng pulitika, parating ipinagmamalaki ng mga pulitiko ang mga proyektong na kanyang naipagawa. Kung yon lamang ang sukat sana ay maunlad na ang Pilipinas.  Subali’t alam nating hindi.  Sa ngayon ang karaniwang pananaw, mas malaki ang proyekto, mas malaki ang katiwalian. Palagay ko mahalaga ang mga proyekto.  Subalit mas mahalaga ang tiwala ng mamamayan.  Tiwalang makukuha lamang kung magiging matuwid at wasto ang asal ng mga kinauukolan.  Malamang katulad ng marami hindi tayo na naniniwala na sa sarili pagkusa, susuriin ng mga pulitiko ang mga kamalian niya.  Kaya isa lang ang tanging paraan para manaig ang maituwid.  Suriin natin sila lahat sa susunod na halalan hindi sa pondo at proyektong naipagawa kung di sa pagsabuhay ng mga prinsipyo at paniwalang ating pinahahalagahan.  Ito lang ang makakapagbago ng ating bansa.


Sukatan at Pananagutan

March 22, 2009

Madalas mapag-usapan kung bakit sa laki ng perang ginugol ng pamahalaan para sa mamamayan, tila di nararamdaman ang mga benepisyo nito. Maraming paliwanag at maraming dahilan. Nandiyan ang pera daw ay nawaldas lamang sa katiwalian. Nandiyan ang mali daw na prioridad ng pamahalaan sa pagugol ng pera ng bayan. Nandiyan na kulang pa raw ang perang ginugol para maramdaman ng taong bayan ang mga biyayang idudulot nito. Pawang may bahid ng katotohanan ang mga paliwanag na mga nabanggit. Subalit hindi tinutukoy ng mga ito ang puno’t dulo ng problema.

Ano ang akmang sukat para sa mga pinag uukulan ng pera ng pamahalaan? Kadalasan ang sukat ay kung gaano kalaki ang perang gugugulin. Naipapaalam lamang kung paano ginasta at kung ano ang nangyari sa perang ginasta kung ito ay inuusisa at tinatanong kung ano ba talaga ang nabuo sa halagang naitala. Halimbawa, ang kontrobersyal na North Rail sa unang tingin ay isang kapuri-puring proyekto ng pamahalaan. Subalit nang ito ay inusisa, pinuna na ng nakakaintindi na parang napakalaki naman ng perang uubusin sa ikli ng linya ng riles ng North Rail. Kahanay nito ang ZTE-NBN broadband project na ang tongpats ay milyones din. Madalas na ipagmalaki kung ilang bilyong piso ang budget sa iba’t ibang programa ng pamahalaan. Pero bihirang banggitin kung ano ang kahihinatnan ng perang gagastusin. Dahil hindi malinaw ang sukatan, nagiging sanhi ito ng katiwalian. Maiiwasan ang lahat ng ito kung pinapaliwanag ang physical targets na detalyado kasabay sa anunsiyo ng perang inilaan para sa proyekto. Kadalasan bagaman maisagawa pa ang proyekto, nabalot na ito ng kontrobersiya at nabalewala na ang benepisyo sa mata ng mamamayan.

Minsan malinaw naman ang sukat subalit hindi ito ang makahulugang batayan. Halimbawa sa linya ng edukasyon, madalas na binabalita na mga daang milyon ang inalaan para sa dagdag na guro, dagdag na school buildings at iba pa. Mahalaga ang dagdag na mga ito subalit hindi ito ang puno’t dulot ng sukatan. Alam nating lahat na dalawang bagay ang talagang importante tungkol edukasyon, ang participation at completion rates (sukat kung ilang porsiyento ng mga bata ang nasa paaralan at kung ilan ang nakatapos ng elementarya at hayskul) at academic achievement (sukat kung natuto ang mga bata ng dapat nilang matutuhan sa iba’t ibang antas). Sa aking mga ginawang mga pulong sa iba’t ibang paaralan dito sa Lungsod ng Naga at iba pang lugar, hindi nga alam ng magulang ang achievement levels ng paaralan ng kanilang anak. Minsan pati ang mga guro ay hindi rin ito nasusundan. Ang dahilan, mali ang sukatan kung ano ang dapat tuunan ng pansin sa hanay ng edukasyon. Matagal ng mababa ang achievement levels ng ating mga pampublikong paaralan. Pausod-usod ang kanyang pagtaas. Hindi natin puwedeng isisi ito sa pangkasalukuyang pamunuan niya lamang. Palagay ko matagal na binale-wala ang tamang sukat kaya naman walang nanagot kung di naabot ang mga antas na ninanais. Kaya mahalaga ang ginagawa ng Synergeia Foundation at ng 57-75 Movement, mga grupong pribado, dahil ang pinupuntirya ng kanilang mga programa ang tamang sukat sa edukasyon. May akmang sukatan at makatwiran ang hinihinging pananagutan.

Ano ang problema ng wala o maling sukat? Ang lahat ng may katungkulan ay dapat managot sa trabaho at kapangyarihan na ibinigay sa kanya. Ang pananagutang ito ay dapat malinaw at alam ng mamamayan. Kung walang malinaw na sukat, malamang lihis ang gagawin sa tunay na layunin ng mga ginagawa. Hindi lamang pera ang susi sa pagsaayos ng ating bansa. Kasinghalaga ang tamang sukatan at pananagutan ayon dito. Madali namang maituwid ito. Ang malaking tanong ay kung nais itong maituwid.


No to Cha-Cha

March 9, 2009

Kamakalawa napabalita na 17 na pirma na lang ang kailangan para maisulong na ang “Con Ass” (Constituent Assembly). Pakiwari ko sinasamantala ng Kongreso ang mga pangkasalukuyang kaguluhan para maisagawa ang maitim na balak nito na baguhin ang Saligang Batas na mistula sila lang ang masusunod . Hindi naman kaila sa nakararami na gagawin nila ito para sa pansariling kapakanan. Kasama nito ang pinangangambahang pagpagpahaba ng termino ng Pangulo. Nakatuon ang pansin ng mamamayan sa patuloy ng paghirap ng buhay. Nakatuon naman ang pansin ng mga pahayagan sa walang katapusan kuwento ng katiwalian sa pamahalaan. Ito ang pagkakataon na ang masamang balita ay mabuting balita sa mga taong nasa likod ng “Cha-Cha”. Nalilingat ang mga mamamayan at hindi niya mamamalayan na biglang maglalaho ang kanyang inaasahang pagbabago sa darating na 2010.

Tulad ng nakaraang panahon, isasawalang bahala ng Kongreso ang saluubin ng mamamayan sa bagay na ito. Marahil sa pananaw ng ating mga Congressman, mapagtatakpan ang lahat ng panlilinlang na ito ng sangdamakmak na “pork barrel” na kapalit ng kanyang boto sa “Cha-Cha”. Oo nga naman, nagtagumpay ang karamihan sa kanila ng nakaraang halalan hindi dahil sa mga panukala naipasa sa Kongreso kung hindi sa naipamudmod na biyaya ng “pork barrel” na natanggap. Kawawa naman si Juan de la Cruz, walang kamalay-malay, ginisa siya sa sarili niyang mantika. At paulit-ulit pa siyang gigisahin kung hindi siya mamumulat at gamitin ang tangi niyang kapangyarihan laban dito — ang kanyang boto.

Panahon na para sukatin natin ang ating mga Congressman ayon sa tungkulin niya bilang mambabatas. Ano ang mga panukala hinain niya at ano ang paninindigan niya sa mga panukalang hinain ng kanyang mga kasama sa Kongreso ? Ano ang boto niya sa ’Cha-Cha‘? Ang boto niya sa repormang agraryo ? Kung tayo ay di sang-ayon, ipabatid natin ito sa sunod na halalan. Huwag natin ipahintulot na muli nilang paglalaruan ang saluubin natin at patuloy tayong linlangin sa isang maruming sistema na ang lahat ng bagay ay pinagbibili. Ika nga ni dating Speaker Joe de Venecia, ang lahat daw ay ‘for sale’ na palagay ko ay tinukoy tayong lahat pati ang kanyang mga kasama. Sa susunod na pagkakataon pag tayo ay nagsabing “No to”Cha-Cha”, iparamdam natin ito sa mga Congressman na ating hinalal.

Noong nakaraang nahalalan naipakita ng ating mamamayan ang kanyang kapangyarihan ng ang ihinalal niya sa Senado ang mga kandidatong naninindigan laban sa “Cha-Cha”. Subalit taliwas rito ang mga hinalal sa Kongreso. Maraming dahilan katulad ng perang pinamudmod sa mga distritong malapit sa administrasyon. Panahon na para maiwasto ang kamaliang ito. Tandaan natin sa susunod na halalan. Huwag nating iboto ang boboto sa “Cha-Cha”. Pag tayo ay nagtagumpay, mamumulat ang lahat na hindi na tayo maaring magpaloko pang muli!


Sumilao Walk II

February 22, 2009
       Sa Lunes, Pebrero 23, 2009, muling makikiisa ang mga taga-Lungsod ng   Naga sa mga Sumilao far­mers. Noong nakaraang taon, ka­sama ang mga NGOs at farmers group ang pamunuan ng lungsod ay naging bahagi sa paglalakad mula sa boundary ng Naga hanggang sa Plaza Quince Martires.

       Sa mga taga-Naga, kasama na ako, ang 7 kilo­metro pag­lakad ay parang napakalayo na. Sa mga taga-Sumilao, ito ay kati­ting na parte ng mahigit na 1700 kilo­metrong kanilang nilakbay para mara­ting ang Kamaynilaan mula sa Sumi­lao, Bukidnon. Masaya at malungkot na gunitain ang kanilang u­nang pagpunyagi. Hindi sila nawalan ng pag-asa sa gitna ng pagsubok.

       Malungkot na dapat pa nilang pagdaanan ang hirap na kanilang dinanas para matamo lamang ang kanilang ninanais. Hindi biro ang maglakad ng 34 araw mula sa Bukidnon hanggang Maynila.

       Noong ginanap ang unang Sumilao Walk, kami ay nakiisa sa kanilang  pagpupunyagi kahit sa aming palagay hindi ibibigay ang kanilang ninanais. Tulad ng napakaraming dapat na biniyayaan ng programang agraryo, muling sumuklob na naman sa batas at sa “delaying tactics” ang mga nagmamay-ari ng lupa para pawalang saysay ang karapatan ng mga magsasaka.  May utos ang Dept. of Agrarian Reform (DAR) na dapat ipamahagi na ang mga lupa  subalit hindi naman naipapatupad. May mga taong may kapangyarihan na hindi yata ka­yang sakupin ng batas. Nagtagumpay ang mga taga-Sumilao, kahit hindi sa kabuuan ng kanilang hinihingi, dahil nagkaroon sila ng lakas ng loob at tibay ng dibdib na hindi nila lulubayan ang mga may katungkulan hanggang hindi sila pakinggan.

       Naglalakbay muli ang taga-Sumilao dahil sa isang mas mahalaga at mas malaking layunin. Hindi lamang para sa kanilang sarili kung hindi para sa lahat na umaasa pa na ang tunay na reporma agraryo ay matutupad pa rin sa ating bansa.

       Nais ipaglaban ng taga-Sumilao na ipagpatuloy ang pamamahagi ng lupa at sakupin pa ang mga lupain na talaga namang dapat kasama sa batas na sa ngayon ay nawalan na ng bisa. Imbes na ipagpapa­liban lamang ang pagkawalang bisa ng batas na para ring pinawalang saysay na, hinihingi na ipasa ang bagong batas para matakpan na ang mga butas ng luma.

       Sa gitna ng malakas na impluwensya ng mga “pro-landlord” na mga lehislador, mukhang ito ay isang mistulang panga­rap lamang. Subalit ang tagumpay ay maaaring makam­tan lamang kung handa tayong mabigo sa pagsumikap para matamo ito.

       Sa Lunes, nasa Plaza Quince Martires kaming mga taga-Naga para muling makiisa. Mahirap man umasa, nagdarasal kami na sana magtagumpay muli ang mga taga-Sumilao. Mas marami pang magsasaka ang makikinabang kung sakaling sila ay pakinggan.

       Tulad ng nakaraan, alam ko na lalahok ang aking mga kapwa Nagueno. Muli siyang maninindigan na dapat itaguyod natin ang karapatan ng ordinaryong mamamayan kung talagang tunay ang pag-unlad ng ating bansa. Hindi madali ang sumalungat sa pagnanais ng mga maykapangyarihan. Subalit hindi maaaring manahimik na lamang tayo kung nais nating magbago ang ating lipunan.

       Sa ganang ito, parati kong maipagmamalaki ang aming lungsod. Ang pinakatanging yaman niya ang matuwid na paninindigan sa harap ng hirap na dinudulot nito sa kanya. Mabuhay muli ang mga taga-Sumilao! Mabuhay rin ang mga taga-Naga!